Naniniwala ang political analyst na si Prof. Clarita Carlos na maaari pang maihabol ang mga panukalang batas na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang kaniyang termino.
Ito ay kung hindi aniya malulunod sa paghahanda sa eleksyon ang mga mambabatas.
Matatandaang sa State of the Nation Address (SONA) kahapon, ipinanawagan ng pangulo sa Kongreso ang pagpasa sa ilang panukalang batas gaya ng pagtatatag ng Department of OFW, Virology Institute, Foreign Investment Act, Public Service Act at legal assistance para sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
“Sana hindi malunod sa election preparations ang ating mga legislators kasi marami pang hininga bago sa June 30, 2022. Kung talagang tututukan nila ‘yan, meron silang magagawa,” ani Carlos sa panayam ng RMN Manila.
Binigyan naman ni Carlos ng gradong “7” si Pangulong Duterte kung pagbabasehan ang performance nito, bago at sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“Wag naman nating ilagay sa gitna na 5 na parang wala namang effort. Siguro dalawa yung assessment period, before the pandemic and while the pandemic is ongoing right now. Hindi naman sa pagde-defense sa administrasyon, lahat tayo sa planeta noong March 2020, walang alam sa COVID. And we were dealing with this as best as we could,” saad ni Carlos.
“Siguro ang pinanghihinayangan ko na lang, ay talagang pinagitnaan ng mga retired military officers, siguro mas maganda kung mga trained administrators ang inilagay dyan,” dagdag niya.