Privacy ng mga may-ari ng sim card, protektado sa Mandatory Sim Card Registration Bill

Pinawi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pangamba na manganganib ang privacy at delikado ang pag-abuso sa Mandatory Sim Card Registration Bill.

Giit ni Drilon, may sapat na safeguards ang Mandatory Sim Card Registration Bill upang maprotektahan ang privacy ng may-ari ng sim card at ang gagawa ng accounts sa social media platforms.

Sa ilalim ng panukala ay oobligahin na ang pagpaparehistro ng lahat ng sim card at kukunin ang tunay na pangalan at phone number ng gagawa ng social media accounts.


Paliwanag ni Drilon, may mga probisyon sa panukala na mag-uutos sa telecommunications company at social media provider na ingatan ang impormasyon ukol sa mga account holder alinsunod sa data privacy law.

Binanggit ni Drilon na mahigpit na pinagbabawalan ng panukala ang mga telco, sim card retailers at social media provider na ibahagi sa iba ang mga pangalan, phone number at iba pang impormasyon ukol sa bumili ng sim card o gumawa ng account sa social media gaya ng Facebook.

Pinapahintulutan lang ng panukala na ibahagi ang naturang mga impormasyon kung may utos mula sa korte o kung may subpoena na dapat ay batay sa verified o sinumpaang reklamo na ginagamit sa krimen ang mobile number o social media account.

Facebook Comments