Cauayan City,Isabela- Mahigpit ang paalala sa publiko ng Public Order and Safety Division (POSD) sa Cauayan City kaugnay sa nalalabing araw ng pagbisita sa mga puntod ng mga namayapang mahal sa buhay bago pa man ang itinakdang araw ng pansamantalang pagsasara ng private at public cemeteries simula October 29-November 4, 2021.
Ito ay alinsunod sa Executive order no. 80 na nilagdaan ni City Mayor Bernard Dy.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Ret. Col Pilarito Mallillin, babantayan nila ang publiko upang masigurong maiiwasan ang pagdadala ng mga bagay gaya ng nakalalasing na inumin, patalim, baril, sound speaker o videoke sa loob ng sementeryo.
Dagdag pa niya, iwasan ang gawing party venue ang sementeryo o magpicnic habang mahigpit din ang panuntunan na bawal ang mga edad 17-anyos pababa at 65-anyos pataas.
Tiyakin din umano na nakasuot ng face mask at face shield ang mga dadalaw sa sementeryo bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.
May babala naman ito sa mga posibleng lumabag sa polisiya at mapipilitan din umano silang dalhin sa quarantine area at isailalim sa kaukulang pagsusuri.
Samantala, may tatlong araw mula ngayon ang huling araw ng pagbisita sa mga puntod ng mahal sa buhay habang hindi pa ipinapatupad sa temporary closure.
Base naman sa pag-iikot ng mga tauhan ng POSD, marami na ang bumibisita sa mga puntod upang maglinis kaya’t panawagan ni Mallillin na agahan ang pagtungo sa lahat ng sementeryo.