Private higher education sector na apektado ng COVID-19, humingi ng tulong sa Kamara

Hiniling ng Coordination Council of Private Educational Associations (COCOPEA) sa Kamara na isama sa recovery assistance package ang mga private higher education institutions dahil apektado din ang mga ito ng COVID-19 pandemic.

Sa virtual hearing ng Defeat COVID-19 Committee-New Normal Cluster, sinabi ni COCOPEA Managing Director Joseph Noel Estrada na katulad sa mga State Universities and Colleges (SUCs) ay apektado rin ng problema sa interconnectivity, transition sa flexible learning at sa kawalan ng pondo ang mga nasa private higher education sector.

Ayon sa COCOPEA, 30% ng mga estudyante sa pribadong kolehiyo ay walang access sa flexible learning materials, mapa-physical o online learning.


Bukod dito, 17% ng mga estudyante ay hindi makakapag-aral sa ilalim ng flexible learning at 20% ng mga pribadong paaralan ay hindi rin makasabay sa flexible learning mode.

Dagdag pa dito, ang 26% ng mga pribadong guro na hindi nakatanggap ng sweldo sa buong quarantine at pinangangambahan na 80% ng mga private colleges ang hindi na masuswelduhan ang mga teaching at non-teaching personnel hanggang sa katapusan ng Agosto.

Nangako naman si New Normal Cluster Chairperson at Antique Representative Loren Legarda na kakausapin si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista para maisama sa “LISTAHANAN” ng ahensya ang mga estudyante sa private higher education at isasama rin sa recovery assistance package na isinusulong ng Mababang Kapulungan.

Facebook Comments