Hinikayat ni ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran ang lahat ng mga private media networks na magpalabas ng mga educational show.
Partikular na umaapela si Taduran sa lahat ng radio at television stations na magpalabas muli ng mga programang pambata na makakatulong sa pagpapalawak ng bokabularyo, kaalaman, at pagsusulong ng kagandahang asal.
Naniniwala ang lady solon na ito ang paraan upang makatulong ang mga media networks sa distance learning ng pamahalaan.
Batay aniya sa Broadcast Code of 2007 ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ay obligasyon ng mga media member na lumikha at magpalabas ng mga programang pambata at educational programs.
Sa ilalim nito ay dapat 15% ng mga programa sa telebisyon at radyo ay para sa mga bata gayundin ay responsibilidad ng mga tv at radio station na isulong ang mental, physical, social at emotional development ng mga kabataan sa pamamagitan ng kanilang mga palatuntunan.
Pinakikilos ng kongresista ang mga media networks na makipagtulungan sa Department of Education (DepEd) sa posibleng produksyon ng mga bagong educational show na makatutulong sa mga mag-aaral.