Private resort sa Pangasinan na hinihinalang pinagtaguan ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo bago tumakas ng Pilipinas, ibinenta na

Inatasan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na ipa-subpoena ang lahat ng dokumento sa ginawang bentahan ng Happy Penguin Resort na pagmamay-ari ni Sual Mayor Dong Calugay, ang itinuturong naging karelasyon ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Hinihinala kasi ng mga senador na ang Happy Penguin Resort ang pinagtaguan ni Alice Guo bago tumakas ng bansa papuntang Malaysia.

Sa mga pagtatanong nina Committee Chairperson Risa Hontiveros at Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada kay Calugay, itinatanggi noong una ng alkalde na siya ang may-ari ng private resort pero kalaunan ay inamin din niya na siya rin ang may-ari ng property.


Sinabi ni Calugay na ang kinakasama niyang hindi naman pinangalanan ang nangontrata para sa pagbebenta ng 4,000 square meters na private resort na aabot sa P1.2 million o pumapatak ng P300 kada square meter.

Ipinakita rin ni Estrada ang tax declaration ng lupa kung saan ibinenta ang property nito lamang July 15, 2024 pero nagtataka ang mga senador sa “timing” dahil July 9, 2024 ay ginawaran pa ni Calugay ng otorisasyon para makapag-operate ang resort.

Duda naman si Hontiveros dahil batay sa kanilang mapagkakatiwalaang source, sa pagitan ng June 10 hanggang 20 ay nagkaroon ng malaking withdrawal sa bangko si Calugay na aabot ng P150 million.

Mukha aniyang buwan ng kagipitan o kinailangan ng malaking pera ng alkalde para mag-withdraw ng ganoong pera lalo na’t katwiran ni Calugay ay nagipit siya kaya ibinenta niya ang nasabing resort.

Facebook Comments