Ipinasasama na rin sa vaccination program ang mga clinic sa mga pribadong paaralan.
Ito ang rekomendasyon ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes para mapabilis pa ang proseso ng bakunahan ng bansa lalo’t ikinasa na rin ang vaccination para sa mga kabataang 5 hanggang 11 taong gulang.
Ayon kay Ordanes, ang mga private school clinics ay mayroong sariling health care personnel, facilities, at logistics para bakunahan ang campus communities.
Iginiit ng kongresista na napakahalaga ng pagbabakuna sa mga kabataan tulad din sa kanilang mga nakatatanda.
Samantala, sinita naman ng mambabatas ang mabagal na proseso ng booster shots sa mga botika.
Aniya, isang buwan na nang mai-roll out ang booster shots vaccination sa mga drugstore ngunit iilan lamang na mga botika ang nabigyan ng otorisasyon o accreditation para dito.
Puna ng kongresista, isang taon nang isinasagawa ang bakunahan sa bansa kaya dapat ay natuto na tayo na gawing mas episyente ang vaccination program ng pamahalaan.