Hinikayat ng grupong Ating Guro ang mga mambabatas na bumalangkas ng Specific Law upang mabigyan ng proteksyon ang karapatan at kapakanan ng guro at empleyado ng pribadong sistema ng edukasyon sa bansa.
Ayon kay Juanito Dona Jr., Secretary General ng naturang grupo, suportado nila ang panukala na mabigyang suporta ang mga pribadong guro sa ilalim ng Senate Bill 1564 o Bayanihan to Recover as One Act dahil lahat sila ay hindi nakatatanggap ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) habang ang mga pampublikong guro ay nakatatanggap ng ayuda mula sa gobyerno.
Paliwanag ni Dona, nangangamba ang libu-libong mga pribadong guro sa maaaring kahihinatnan ng plano ng Department of Education (DepEd) at Malakanyang na magbubukas ang klase sa Agosto 24, 2020 dahil karamihan sa kanila ay “no work, no pay” dahil sa ipatutupad na distance learning ng DepEd.
Dagdag pa ni Dona, mayroon nang inisyal na 119,819 private school teachers ang apektado ng COVID-19 pandemic base sa data mula sa isinagawang survey ng Federation of Associations of Private Schools Administrators (FAPSA) at ang naturang bilang ay bahagi ng tinatayang 263, 000 teachers at empleyado na kinuha ng pribadong paaralan.