Umaasa ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) na makakatanggap ng suporta mula sa gobyerno ang private schools na lalahok sa pilot face-to-face classes na magsisimula bukas.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni COCOPEA Managing Director Atty. Joseph Estrada na nananawagan ang mga maliliit na paaralang lalahok na mabigyan sila ng tulong pinansiyal o subsidy lalo na’t may mga kinakailangan ding gastusin sa pagsisimula ng klase.
Iginiit ni Estrada na mayroon kasing special subsidy na nakalaan para sa mga pampublikong paaralan na lalahok din sa pilot implementation.
Samantala, inihayag naman ni Parent Teachers Association Federation President Willy Rodriguez na irerekomenda nila ang ‘full blown’ face-to-face classes sa Enero ng susunod na taon kung magpapatuloy ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.
Nasa 100 paaralan na nasa mga lugar na low risk mula sa COVID-19 ang pinili ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) para magsisimula ng pilot face-to-face classes bukas, Nobyembre 15.