Private sector, hindi na kinakailangang mag-donate ng bakuna sa gobyerno maliban sa Astrazeneca

Hindi na kinakailangan pang mag-donate ng mga pribadong sektor ng bakuna sa gobyerno.

Ayon kay Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis Jr., maaari nang bumili ng COVID-19 vaccines ang mga pribadong sector pero dapat pa rin itong dumaan sa tripartite agreement sa pagitan ng gobyerno at vaccine manufacturer.

Nilinaw naman ni Presidential Adviser for Entrepneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion na applicable lamang ito para sa ilang brand ng bakuna gaya ng Moderna, Novavax at Covaxin.


Ibig sabihin, required pa ring mag-donate ng bakuna sa gobyerno ang mga private companies kung ang bibilhin nila ay Astrazeneca vaccines.

Una nang naglaan ang private sector ng P120 million para sa pagbili ng 450,000 doses na Astrazeneca kung saan kalahati nito ay ibibigay sa pamahalaan na ituturok naman sa mga frontliners.

Samantala, umapela ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa gobyerno, ang pinakamalaking business organization sa bansa, na payagan silang direktang makabili at makapag-import ng COVID-19 vaccines mula sa mga accredited sources nang walang paghihigpit o kondisyon.

Ayon kay PCCI President Benedicto Yujuico, makakatulong ito para mas mabilis silang makakilos sa pagbabakuna ng mas maraming tao.

Nanawagan din siya sa pamahalaan na pabilisin ang pagbili at rollout ng mga bakuna para matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa at mapahusay ang consumer confidence at mapabilis ang muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Sinegundahan naman ito ng ECOP at sinabing malaking kabawasan ito sa gastos ng gobyerno dahil hindi na nito kakailanganin pang bumili ng bakuna para sa kanilang mga manggagawa.

Facebook Comments