Private sector, pinabibigyan ng laya sa pag-roll out ng kanilang COVID-19 vaccination program

Hinihikayat ni Deputy Speaker for Trade and Industry at Valenzuela Rep. Wes Gatchalian ang pamahalaan na bigyan ng laya at flexibility ang pribadong sektor na mai-roll out ang COVID-19 vaccination sa kanilang mga empleyado.

Sa joint hearing sa Kamara kaugnay sa COVID Vaccination Act of 2021, binigyang diin ni Gatchalian na ang inisyatibo ng private sector na bumili ng COVID-19 vaccines ay makakagaan sa pondo ng Department of Health (DOH).

Bunsod nito ay ipinarerekunsidera ni Gatchalian kay Vaccine Czar at National Task Force (NTF) Chief Implementor Carlito Galvez Jr., ang categorization sa priority group ng biniling bakuna ng private sector.


Iginiit ng kongresista na ang bakuna mula sa pribadong sektor ay dapat mai-roll out sa mga empleyado ng pantay at walang distinction o classification.

Punto rin ng mambabatas, kung ang vaccine roll-out ay magagawa ng madali ay mas mabilis na makakamit ng bansa ang herd immunity.

Samantala, sa parehong pagdinig ay umaapela si Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo Founder Joey Concepcion sa DOH at National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) na bigyang flexibility ang mga pribadong kompanya na bakunahan ang kanilang mga empleyado basta’t pasok ito sa A4 priority list.

Facebook Comments