Private testing laboratories, naniningil ng sobrang mahal bilang pagsasamantala sa paghinto ng Philippine Red Cross sa pagsasagawa ng COVID-19 test

Isiniwalat ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at CEO Senator Richard Gordon ang umano’y pagsasamantalang ginagawa ngayon ng ilang private testing laboratories na sumisingil ng napakamahal para sa COVID-19 test sa mga balikbayan o mga dumarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni Gordon, ang pananamantalang ito ay nangyayari habang nakahinto ang pagsasagawa ng PRC ng COVID-19 test dahil sa kabiguan ng PhilHealth na magbayad ng 1.1-billion pesos na utang.

Sa ginawang virtual press conference ay ipinakita ni Gordon ang mga text o Viber messages na nagsasabing sinasalubong sa NAIA ang mga balikbayan at dinadala sa private testing laboratories para ipa-COVID-19 test sa halagang mula ₱10,000 hanggang ₱20,000.


Ayon kay Gordon, may nagsasamantala rin sa pagtatagal sa hotel ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) at iba pang naghihintay ng resulta ng COVID-19 tests.

Samantala, sinabi ni Gordon na maaaring takot si PhilHealth President at CEO Dante Gierran sa demanda at takot din sa mga ahas sa ahensya kaya hindi pa mabayaran ang PRC.

May nakapagsabi kay Gordon na nangangamba si Gierran na pagkatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay baka maimbestigahan siya at makasuhan kaya sobrang nag-iingat sa pagdedesisyon kahit wala na sa katwiran at nagmimistulang kapabayaan na.

Tinawag din ni Gordon ang PhilHealth na manunuba kasabay ang babala ng pagdami ng mahahawahan ng COVID-19 sa bansa dahil sa dami ng hindi nati-test simula nang tumigil ang PRC.

Facebook Comments