
Ipinanawagan ni Senator Risa Hontiveros na imbestigahan ang pagpapakalat sa social media ng umano’y propaganda pabor sa China.
Punto ng senadora, dumarami ang social media posts sa bansa tulad ng pagbira ng Chinese embassy laban sa mga opisyal na nagsasalita sa pagpilit ng China sa panghihimasok sa West Philippine Sea na nagiging sanhi ng pagkakahati-hati ng mga Pilipino.
Tinukoy pa ni Hontiveros ang talamak na mga posts sa Facebook at sa X (Twitter) accounts na nagmamaliit at bumabalewala sa harassment at panggigipit na ginagawa ng China sa mga tauhan ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard at mga mangingisda.
Mayroon ding mga pagbatikos na tuta ng Amerika ang mga nagsasalita laban sa China.
Giit ni Hontiveros, dati nang nagbabala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa ganitong influence operations habang noong 19th Congress naman ay nabuksan ang imbestigasyon sa natuklasang pagbabayad umano ng China sa isang public relations firm sa Makati para sa ganitong operasyon.
Binigyang-diin pa ng senadora na maituturing itong isyu ng national security dahil napanghihimasukan ang domestic affairs ng bansa.










