Cauayan City, Isabela- Nakaalerto ang buong hanay ng pulisya sa rehiyon dos dahil sa muling pananalasa ng pagbaha sa ilang bahagi sa probinsya ng Isabela at Cagayan.
Inatasan na ni PBGen Crizaldo Obispo Nieves, Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 2 ang pinuno ng PNP Isabela at Cagayan na magsagawa na ng pre-emptive evacuation sa mga bahaing lugar o nasa low lying areas lalo na sa mga lugar na matinding binaha dulot ng nagdaang bagyong Ulysses.
Umaasa si PBGen Nieves na mas lalong mapaghahandaan ng buong pwersa ng kapulisan ang posibleng pananalasa ng matinding pagbaha sa Isabela at Cagayan base na rin sa naging karanasan sa naging epekto ng typhoon Ulysses.
Inabisuhan na rin ang mga hepe sa bawat hanay ng pulisya na makipag-ugnayan sa Local Government Unit (LGU) at local Disaster Risk Reduction Management Office upang matiyak ang kaligtasan ng buong mamamayan.
Samantala, kasalukuyan nang nakadeploy sa mga nasa high risk area sa probinsya ang Search and Rescue (SAR) personnel mula sa Regional Mobile Force Battalion 2 at Provincial Mobile Force Companies upang tumulong sa pagpapalikas sa mga residenteng apektado ng baha at magmonitor na rin ng lebel ng tubig.
Sa kasalukuyan, nasa 26 na barangay mula sa probinsya ng Cagayan at Isabela ang tinamaan ng baha na binubuo ng 1,189 pamilya o 4,222 na indibidwal.