Probinsya ng Basilan, pinahahati sa dalawang distrito

Isinusulong ni Deputy Speaker Mujiv Hataman na hatiin na ang distrito ang Basilan.

Sa House Bill 10407 na inihain ng kongresista ay nilalayon nitong hatiin sa dalawang legislative district ang lone district ng Basilan.

Sinabi ng mambabatas na panahon na para magkaroon ng dalawang kinatawan ang Basilan sa Kongreso bunsod na rin ng paglaki ng populasyon.


Sa pinakahuling census noong 2020, umakyat na sa 556,586 ang populasyon sa Basilan kasama ang Isabela City.

Tinukoy ni Hataman na marami na ang gustong manirahan sa lalawigan dahil na rin sa pagunlad, pagdami ng mga negosyo, hanapbuhay at sa pananatili ng kapayapaan at seguridad.

Punto pa ng mambabatas, mainam ang pagkakaroon ng dalawang kinatawan upang matugunan ang mga pangangailangan at matutukan pa ang pagunlad sa kanilang lugar.

Nakasaad sa Article 6, Section 5 ng Konstitusyon na ang bawat siyudad o probinsya na may populasyon na hindi bababa sa 250,000 ay dapat mayroong isang kinatawan.

Sa loob ng tatlong taon kasunod ng bawat census ay kailangang silipin ng Kongreso kung nararapat na ang reapportionment sa mga legislative districts alinsunod na rin sa nakapaloob sa saligang batas.

Facebook Comments