Cauayan City, Isabela- Hindi inaalis ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang posibilidad na madagdagan pa ang mga naitatalang kumpirmadong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay DA Regional Executive Director Narciso Edillo, 90 porsyento mula sa higit 41,000 na alagang baboy ang isinailalim sa culling sa rehiyon ay mula sa Isabela.
Aniya, mahigpit pa rin ang ginagawang pagbabantay ng ahensya para masigurong hindi na magkakaroon pa ng kaso ng pagkamatay ng mga alagang baboy.
Hinimok naman ni Edillo ang mamimili at negosyante na tiyakin ang pagbili ng mga karneng baboy sa mga palengke gayundin na tangkilikin lamang ang mga nakakatay sa mga slaughter house upang matiyak na ligtas itong kainin at walang banta ng ASF sa kalusugan.
Samantala, aprubado na ang naging hiling ng DA region 2 sa dagdag na pondo na ipamimigay sa kabuuang 5,991 backyard hograisers na labis na naapektuhan ng ASF makaraang isailalim sa culling ang libu-libong alagang baboy.
Habang bigo naman ang ilan na hindi makakakuha ng ayuda makaraang hindi ito maireport sa Municipal/ City Agriculture Office pagkatapos na magkamatay ang kanilang alagang baboy na umabot sa 11, 230.
Kung susumahin, aabot na sa kabuuang higit 52,000 ang baboy na na-culled na dahil sa banta ng ASF sa rehiyon dos.