Probinsya ng Pangasinan, lubhang hinagupit ng Bagyong Uwan

Pagkatapos ng magdamagang sipol at lakas ng hangin at ulan, nagsitumbahang bahay, mga puno, poste, at mga putol na linya ng kuryente ang bumungad sa mga residente sa isang sitio sa bayan ng Calasiao.

Kagabi, Nobyembre 9, walang humpay na winasiwas ng malakas na hangin ang mga nagsitumbahang bagay na kung susumain ay tila hindi inasahan.

Samantala, sa lungsod ng Dagupan, ang biglaang pagtaas ng tubig bunsod ng storm surge ay nagdala ng takot sa mga residente na naging dahilan ng paglikas ng marami sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

Sa kasalukuyan, nakasailalim na sa state of calamity ang lungsod ng Dagupan sa naturang lalawigan.

Marami ang humingi ng rescue sa kalagitnaan ng gabi, partikular na sa Barangay Pantal, sa kabila ng maagang pagpapatupad ng preemptive evacuation.

Malaking bahagi rin ng probinsya ang nakararanas ngayon ng pagbaha, power outrage, gayundin ang pagkaputol ng internet. Libo-libo rin ang kasalukuyang nasa evacuation centers.

Sa kabila ng pag-asang makabangon, dadamhin muna ng ilan ang matinding pinsalang naramdaman dala ni Bagyong Uwan sa kanilang mga ari-arian.

Facebook Comments