Probinsya ng Quirino, Nakatakdang Isailalim sa MECQ

Cauayan City, Isabela- Hinihintay na lamang ng pamahalaang panlalawigan ng Quirino ang desisyon ng National IATF sa kanilang rekomendasyon na ilagay sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang status ng probinsya.

Sa naging pahayag ni Governor Dax Cua, kanyang sinabi na ang ginawang hakbang ay batay na rin sa naging suhestiyon ng Department of Health (DOH) Region 2 na isailalim sa mas striktong quarantine status ang Quirino dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.

Base sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH Region 2 ngayong araw, Marso 28, 2021, mayroong 124 aktibong kaso ang probinsya ng Quirino at umaabot na sa mahigit 300 ang kabuuang kaso.


Hirap na rin kasi umano ang mga ospital sa probinsya dahil na rin sa kakulangan ng kanilang kwarto para sa mga COVID-19 patient.

Napagpasyahan naman ng pamahalaang panlalawigan na sundin ang rekomendasyon ng DOH RO2 para na rin sa kapakanan ng mamamayan ng Quirino.

Labing-apat (14) na araw o dalawang (2) linggo ang ni-request ng probinsya na pagsailaliam ng MECQ subalit kung hindi pa rin humuhupa ang kaso ng COVID-19 sa probinsya ay maaari pang madagdagan ang araw ng inirekomendang quarantine status mula sa kasalukuyang MGCQ Status.

Pinaalalahanan naman ng Gobernador ang mamamayan ng Quirino na paghandaan ang posibleng pagsailalim ng probinsya sa mas mahigpit na quarantine status.

Facebook Comments