Probisyon sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3 na nagbibigay awtoridad sa ehekutibo na pumasok sa Advance Purchase Agreement para sa COVID-19 vaccine, ihahain sa Kamara

Dapat na gawing ten times ang laki ng pondo para sa pagbili ng COVID-19 vaccine.

Ito ang apela ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo sa harap ng inaasahang pagtaas ng poverty incidence dahil sa epekto ng pandemya at sunod-sunod na pagtama ng bagyo.

Giit ni Quimbo, kulang na kulang ang pondong inilaan ng pamahalaan lalo na kung lolobo ang bilang ng mahihirap sa bansa na siyang prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte na unang mabibigyan ng libreng bakuna.


“Tingin ko pagkatapos ng pandemya at pagkatapos po ng sunod-sunod na delubyo, e ‘yung 16 million na mahihirap lolobo po ‘yan, baka dumoble pa nga ‘yan. So kung sabihin natin na between 30 to 40 million Filipinos ang kailangan nating bigyan ng libreng bakuna, e kulang na kulang talaga yung P2.5 billion kasi sapat lang yun for 3.9 [million Filipinos], so dapat i-times 10 mo yung 2.5,” ani Quimbo sa interview ng RMN Manila.

Kaugnay nito, inamyendahan ng Kamara ang naunang P2.5 billion na proposed budget para sa pagbili ng COVID-19 vaccine at ginawa itong P8 billion.

Umaasa naman ang kongresista na tataasan din ng senado ang budget nito para sa bakuna.

Samantala, ngayong araw ay ihahain ni Quimbo sa Kamara ang panukalang Bayanihan 3 kung saan nakapaloob din dito ang probisyong bigyan ng awtoridad ang ehekutibo na pumasok sa Advance Purchase Agreement para hindi mahuli ang bansa sa pagbili ng COVID-19 vaccine.

Facebook Comments