Probisyon sa paghahain ng krimen laban sa mga aabuso sa Maharlika Investment Fund, pinagisa na lang ng Senado

Pinagisa na sa iisang probisyon ng panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill ang dalawang probisyong naglalaman ng magkaibang parusa para sa mga lalabag at mang-aabuso sa sovereign wealth fund.

Ang dalawang probisyon na ito ay ang Section 50 na nagtatakda ng sampung taong prescription o panahon para sa pagsasampa ng kaso sa mga krimen na may kinalaman sa paglabag sa Maharlika Law at ang Section 51 na nagtatakda ng 20 taong prescriptive period ng paglabag sa batas.

Paliwanag ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., para sa economy of words, pinagsama niya ang dalawang probisyon at may iisang titulo na prescription of crimes/(slash) offenses.


Ang pinagbatayan dito ay ang sulat ni Senator Mark Villar, ang author at sponsor ng MIF Bill, na nagsabing iisang probisyon lang dapat ang dalawang seksyon.

Batay rin aniya sa transcript ng Senado, sampung taon ang prescription na inaprubahan ng mayorya.

Nalagdaan na rin ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang MIF Bill habang ito ay nasa official visit sa Washington DC.

Si Bantug na kasama rin sa delegasyon ng Senado sa US ang siyang nagdala ng kopya ng MIF para mapirmahan na ni Zubiri at pagbalik sa bansa ay agad din itong isusumite sa Malacañang para naman sa lagda ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Facebook Comments