Aprubado na sa House Committee on Appropriations ang probisyon para sa pagpopondo ng isinusulong na National E-health System Act.
Layunin ng substitute bill na magkaroon ng malawak na access ang lahat ng mga Pilipino sa essential healthcare services gamit ang information at communications technology.
Ayon kay House Committee on Health Chairperson at Quezon Rep. Angelina Tan, sa oras na maisabatas ang panukala, sasakupin ng National e-health System ang lahat ng healthcare providers at iba pang bagay na nagde-develop at gumagamit ng e-health systems, services, applications at tools.
Binigyang diin pa ni Tan na ang pag-i-invest para sa paglikha ng accessible na serbisyong pangkalusugan ay napakahalagang requirement para sa ikatatagumpay ng Universal Health Care para sa mga Pilipino.
Mahalaga aniya ang e-health upang matiyak ang pantay na access sa healthcare services lalo na iyong mga nasa malalayong lugar at probinsya.
Dagdag pa dito, ang National e-Health System ay maiuugnay ang mga data center ng gobyerno sa mga Local Government Unit (LGU) hanggang sa mga barangay para sa mabilis, madali at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.