
Hindi na magiging malaking problema ang pagkakaroon ng mga pagbaha sa Malabon, partikular sa panahon ng malalakas na pag-ulan na dala ng Habagat.
Ito ang siniguro ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval matapos ang kaniyang oathtaking kasama si Vice Mayor Edward Nolasco at ang lahat ng Malabon City Council.

Inatasan ni Mayor Sandoval ang City Engineering Department (CED)-Flood Control Division na tiyaking gumagana ang 40 pumping stations sa mga istratehikong lugar sa lungsod habang kinukumpuni ang navigational flood gate ng Malabon-Navotas River.
Inanunsyo din kanina ni Sandoval ang paglulunsad ng Mobile Services on Wheels program na may layong ilapit sa tao ang mga serbisyo ng LGU.

Kabilang sa ide-deploy ay ang Mobile Power Washer para sa paglilinis ng mga kalsada; ang Mobile Laundry, Mobile Shower na magagamit ng mga residente lalo na sa panahon ng kalamidad,
Mobile Charging Station; Mobile Water Tanker at Mobile Water at Mobile Kitchen para sa free hot meals ng mga residente.









