Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na maaari namang magsampa ng kaukulang kaso si Senador Panfilo Lacson kung sa tingin nito ay mali ang ginawang paggalaw ng Kamara sa proposed 2019 National Budget kahit dumaan na ito sa bicameral conference.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo kung naniniwala si Lacson na lumabag sa batas ang sinoman ay mas magandang idulog nalang nito sa korte ang issue upang ito ay maresolba.
Paliwanag pa ni Panelo na kung sinasabi ng mga Senador na Unconstitutional ang ginawa ng mga Kongresista ay isampa ito sa korte upang magkaalaman na.
Naniniwala din naman si Panelo na maaapektuhan ang kandidatura ng ilang tumatakbong mambabatas kung magtatagal pa ang problemang ito sa budget dahil naaapektuhan na ang maraming proyekto ng Pamahalaan lalo na ang mga infrastructure projects.
Ito aniya ay kung talagang magdurusa na ang mamamayan sa matagal na pagpasa ng 2019 budget.
Pero matatandaan na una naring sinabi ni Panelo na maaari namang huwag idaan sa korte ang usapin dahil kaya naman ng mga mambabatas na resolbahin ang issue.