Pinahahanapan ng iba pang solusyon ng Kamara ang mga problema sa sektor ng agrikultura at industriya ng pagkain.
Ito ay kasunod na rin ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang Food Security Summit upang matugunan ang presyuhan at suplay ng mga bilihin at pagkain sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay House Committee on People’s Participation Chairperson Rida Robes, kanyang ikinalulugod ang inisyatibong ito ng ehekutibo na magsulong ng Food Security Summit.
Kung mayroon man aniyang mahalagang aral na dinala ng pandemya sa ating bansa, ito ay ang hindi dapat pagbalewala sa food security.
Pinatututukan ni Robes ang pagpapalakas sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pinansyal na subsidiya sa kanila para magtuloy-tuloy ang kanilang produksyon ng pagkain.
Dagdag ng kongresista, mainam din kung pagkakalooban ng pamahalaan ang mga magsasaka ng makabagong farming technology at mag-isip ng iba pang hybrid solutions, na magpapataas o magpaparami sa produksyon ng food supplies.
Giit ni Robes, ang lahat ng magsasakang Pilipino na nagsisilbing “backbone” ng food security sa bansa ay marapat na bigyang-pansin, kinalalanin at tulungan.