Problema sa benepisyo ng mga healthcare workers na nasa PGH, nireresolba na ayon sa DOH

Inihayag ng Department of Health (DOH) na nireresolba na ang problema sa mga atrasadong benepisyo ng mga healthcare workers sa Philippine General Hospital (PGH) na nagtatrabaho ngayong may COVID-19 pandemic.

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, bagama’t hindi nila hawak ang PGH at nasa ilalim ito ng University of the Philippines (UP), nag-aalala sila sa kalagayan ng mga healthcare workers.

Dahil dito, kinausap na ni Vergeire ang Director ng nasabing ospital na si Dr. Gerardo “Gap” Legaspi kung saan narinig na nila ang paliwanag nito hinggil sa estado ng benepisyo ng kanilang mga healthcare workers.


Nabatid na iginiit ni Legaspi na walang savings o extra budget para sa taong 2020 ang PGH at naubos na umano ang pera partikular ang maintenance and other operating expenses dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

Dagdag naman ni Vergeire na sinabi sa kaniya ng director ng PGH na inaayos na nila ang kakulangan ng mga healthcare workers at gumagawa na rin sila ng paraan para matutugunan na ang isyu sa benepisyo ng mga ito.

Matatandaan na kamakailan ay nagsagawa ng protesta ang mga healthcare workers ng PGH dahil sa hindi naibigay sa kanila ang tamang hazard pay at special risk allowance.

Facebook Comments