Problema sa hindi magkakatugmang listahan ng mga dapat mabigyan ng tulong pinansyal, pinaparesolba na ni PRRD

Tiniyak ng Department of Finance o DOF na tinututukan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagplantsa sa hindi magkakatugmang listahan ng Local Government Units o LGUs at Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Kaugnay sa mga mahihirap pilipino na dapat mabigyan ng 5,000 hanggang 8,000 na tulong pinansyal ngayong may krisis dulot ng COVID-19.

Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, sinabi sa kanya ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na asahan ang magiging pahayag hinggil dito ni Pangulong Duterte mamaya.


Si Senator Win Gatchalian ay isa sa mga unang nagsalita ukol sa nabanggit na problema makaraang mapuna niya na 95,000 na mahihirap na pamilya sa Valenzuela City lamang ang nasa record ng DSWD na dapat mabigyan ng tulong pinansyal.

Ayon kay Gatchalian, sa cencus ng Valenzuela City Government, noong 2015 ay umaabot na sa 155,000 na pamilyang residente nito ang kwalipikado sa Social Amelioration Program.

Ikinabahala naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi maganda ang kahinatnan kung 50-percent o halos kalahati lamang sa mga naka-record na mga mahihirap na pamilya sa LGUs, tulad sa Metro Manila, ang mabibigyan ng tulong pinansyal.

Facebook Comments