Malaki ang tiwala ng Central Negros Electric Cooperative (CENECO) na masosolusyunan na ang problema sa power outages sa Negros Occidental oras na ma-take over na ito ng Negros Electric and Power Corp (NEPC).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe, nababahala si CENECO General Manager Atty. Arnel Lapore dahil patuloy ang pagtaas ng kanilang pagkalugi sabay sa pagtaas ng demand sa kuryente kaya ang nakikita nilang sagot sa problema ay ang joint venture sa pagitan ng NEPC.
Ang NEPC ay handang maglagak ng P2.1 billion para sa mga imprastraktura at pasilidad sa sandaling mag-takeover sila.
Samantala, pinawi naman ni NEPC President Roel Castro ang pangamba ng mga empleyado ng CENECO sa kanilang pagtake-over dahil ang mga ito ay bibigyang prayoridad sa paghire nila ng mga empleyado.
Sa panig naman ng mga consumers, naniniwala si Power Watch Negros Advocates Secretary General Wennie Sancho na malaking bagay kung bubuhusan ng investment ang CENECO lalo’t ang kanilang mga kagamitan tulad ng transformer ay 30-40 na taon na dahilan kaya madalas ang brownout sa lugar.