
Problema sa online gambling at matinding pagbaha.
Ito ang pangunahing mga problema na gustong marinig ng ilang senador sa nakatakdang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos ngayong araw.
Ayon kay Senator Juan Miguel Zubiri, tulad sa POGO kung saan nagbigay ng anunsyo si PBBM na tuluyang ipagbabawal ito, ganito rin ang dapat na gawin sa lahat ng online gambling sa bansa.
Ipinunto ni Zubiri na ang online gambling ay nakasira hindi lamang sa mga pamilya kundi sa ekonomiya ng bansa kaya umaasa siyang mayroong sasabihin na mga hakbang ang pangulo para matigil na ito.
Umaasa rin ang senador na magkakaroon ng political will si Pangulong Marcos para patigilin ang mga politiko na makialam sa pondo na dapat nakalaan sa mga flood control project.
Sa halip aniya na ilaan sa mga malalaking flagship programs ng pamahalaan ay kanya-kanyang hugot ang mga politiko para sa mga gagawing dredging at flood control sa mga lugar na hindi naman nakikita.
Maging si Senator Raffy Tulfo ay wish na sabihin ni PBBM sa kanyang SONA kung gaano na kalala ang online gambling at anong solusyon ang ilalatag para rito.
Sina Senators Loren Legarda, Erwin Tulfo at Panfilo Lacson ay tungkol din sa problema at solusyon sa baha ang nais marinig sa SONA.
Batid umano ni Sen. Erwin na frustrated ang pangulo dahil nitong mga nagdaang pagbabaha, nagalit na ang pangulo dahil sa halip na mag-focus ang executive sa problema ay nagawa pang magkabit ng mga tarpaulin para sa kanyang SONA.









