Manila, Philippines – Para kay Senate President Tito Sotto III 95 percent ng naayos ang gusot sa pagitan ng mga baguhan at incumbent senators kaugnay sa committee chairmanship para sa 18th Congress.
Ito ay matapos ang kanilang caucus kagabi sa bahay ni Senator Manny Pacquiao kung saan lahat sila ay pinaglista ni SP Sotto ng tig tatlong komite na nais nilang pamunuan.
Bukod kay SP Sotto ay dumalo din sa pa-dinner ni Senator Pacquiao sina Senators Juan Miguel Zubiri, Ralph Recto, Joel Villanueva, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian, Gringo Honasan, Loren Legarda, Nancy Binay, Grace Poe at Richard Gordon.
Present din sina Senators elect Bong Go, Bato Dela Rosa, Francis Tolentino, Lito Lapid, Bong Revilla at Imee Marcos.
Hindi nakarating sina Senators Ping Lacson at Koko Pimentel dahil hindi nila maiwanan ang event kasama ang kanilang pamilya habang nasa ibang bansa naman si Senator elect Pia Cayetano at hindi rin dumating si Senator Cynthia Villar.
Isinalawaran ni SP Sotto ang nabanggit na meeting na very good, way beyond cordial at isang magandang simula para kanila.
Naniniwala din si Sotto na na-solidify na niya ang majority senators.
Sabi ni Sotto, sa susunod na linggo ay maisasapinal na niya ang committee chairmanship, sa Hulyo na ang kanilang susunod na pulong maliban na lang kung may importante silang dapat agad mapag-usapan.
Sabi ni Sotto, bawat isa ay magkakaroon ng isa o dalawang komite na hahawakan.
Binanggit naman ni Senator elect Bong Go, na hiniling niya ang Committee on Health, gusto din sana niya ang Committee on Education pero dahil mukhang may kukuha na nito ay payag siya na maging vice chairman na lang.
Ayon kay Bong Go, inoffer din sa kanya ang Sports at Urban Planning Committee habang inalok din kay Dela Rosa ang Committee on Peace, Unification and Reconciliation.
Mapupunta naman kay Senator elect Tolentino ang Committee on Local Government habang nagpahayag naman ng interes si Senator elect Marcos na maging chairman ng Committee on Social Welfare and Rural Development.
Kwento naman ni Senator Joel Villanueva, tinilakay din ni SP Sotto sa kanila ang mga tradisyon at kulturang umiiral sa Senado gayundin ang kahalagahan ng independence at respeto.