PROBLEMA SA TRAPIKO SA CAUAYAN CITY, PLANONG TUTUKAN NG BBC TEAM

CAUAYAN CITY- Isa sa mga pangunahing layunin ng Bill-Ding Bagong Cauayan (BBC) Team ay ang pagtutok umano sa mga isyung kinahaharap ng Cauayan City, tulad ng matinding problema sa trapiko.

Sa isang press conference, sinabi ni Retired Police Major Orly Lelina, kandidato para sa Sangguniang Panlungsod, ang mga hakbang na kanilang ipatutupad upang masolusyonan ang problema sa trapiko.

Ayon kay Lelina, ilang rason sa pagbigat ng daloy ng trapiko ang mga lubak-lubak na kalsada, kaya’t bahagi ng kanilang plano ang pagsasaayos ng mga daan upang maging maayos ang daloy ng mga sasakyan.


Ibinahagi rin niya na ang isang hakbang na isinusulong ng BBC Team ay ang paghihiwalay ng mga motorsiklo at mga SUV sa mga pangunahing kalsada, upang mas mapadali ang daloy ng trapiko.

Bukod sa mga hakbang ukol sa trapiko, nais din ng BBC Team na tutukan ang problema sa basura sa lungsod kung saan planong magpatupad ng mga proyekto at programa para sa mas epektibong pangangalaga sa kalikasan at tamang pag-dispose ng basura.

Samantala, sinisiguro naman ni Lelina na ang kanilang mga plataporma at adbokasiya ay magiging konkretong aksyon kapag sila ay nabigyan ng pagkakataon na maluklok sa pwesto.

Facebook Comments