Problema sa tumataas na rate ng suicide sa bansa, pinareresolba sa DOH

Pinatutugunan agad ng Kamara sa Department of Health (DOH) ang problema sa tumataas na suicide death rates sa bansa.

Naalarma kasi si Committee on Social Services Chairman Alfred Vargas sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umakyat sa 57% ang suicide rate sa bansa sa gitna ng pandemya nitong 2020.

Mula sa ika-30 ay umangat pa sa ika-25 na pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino ang suicide na may naitalang kaso noong nakaraang taon na aabot sa 4,420 deaths.


Bukod dito, ikinabahala rin ng kongresista ang pagtaas sa bilang ng mga natatanggap na tawag sa hotline ng National Center for Mental Health (NCMH) na karamihan ay may kaugnayan sa anxiety sa pandemya.

Nababahala si Vargas na dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagpapakamatay sa bansa ay makikita na may malaking agwat sa implementasyon ng National Mental Health Act.

Dapat na aniyang mag-atubili na ang DOH at iba pang kaukulang ahensya na solusyunan ang lumalalang problema ng suicide ngayong pandemya sa pamamagitan ng pro-active at mga accessible programs at services.

Naunang inihain din ng mambabatas ang House Resolution 2312, para hilingin sa Kamara na maimbestigahan ang pagtaas ng suicides gayundin ang mental health issues ngayong COVID-19 pandemic.

Facebook Comments