Problemang Kinakaharap ng mga nasibak na empleyado ng ECC-Cauayan City, Ipinadulog sa NLRC!

Iminungkahi ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Ilagan City na ideretso na lamang sa National Labor Relations Commission (NLRC) Tuguegarao City ang problemang kinakaharap ngayon ng ilan sa mga empleyado ng ECC Enjoy Shopping Corporation sa Lungsod ng Cauayan.

Sa mismong pagtutok ng RMN Cauayan News sa pagdulog ng 9 na nasibak na empleyado ng ECC sa DOLE Ilagan City kahapon ay kanilang idinulog ang hindi pagtanggap sa kanilang 13th month pay, holiday pay, overtime pay, kulang na sahod at illegal dismissal.

Sa kanilang pakikipag-usap kay Ginang Theresa Sabog, Senior Labor Employment Officer ng DOLE Ilagan ay pinayuhan nito ang mga complainant na ideretso na lamang sa NLRC ang kanilang hinaing dahil na rin anya sa jurisdiction nito sa mga ganitong isyu.


Kaugnay nito ay hindi muna pumirma kahapon ang mga complainant hinggil sa pagsasailalim sa Single Entry Approach (SEnA) dahil na rin umano sa maaring hindi sisipot ang kanilang boss na si Michael Cu kung sakaling magpapatawag ang DOLE.

Samantala, sa pinakahuling panayam ng RMN Cauayan sa isang empleyado na apektado ng nasabing isyu ay magtutungo muli ang mga ito sa DOLE Ilagan City upang pumirma para sa SEnA.

Napag-alaman din ng RMN Cauayan na mula sa mahigit kumulang 40 empleyado ng ECC ay umaabot na sa 17 trabahador ang sinibak ng nasabing kumpanya.

Sa ngayon ay sinusubukan pa rin na makuha ng RMN Cauayan ang panig ni Michael Cu.

Facebook Comments