Nanawagan si Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na maisama sa A4 priority group para sa COVID-19 vaccine ang mga frontliners ng Professional Regulation Commission o PRC.
Ayon kay Go, kinabibilangan ito ng mga proctors at watchers na nagsasagawa ng mga professional board exams at sila ay maituturing din na essential workers.
Isa ito sa mga nakikitang paraan ni Go para matugunan ang kakulangan ng mga health professionals dahil nagkakaroon ng delay sa mga board exams bunsod ng pangamba sa kalusugan at kaligtasan ng mga tauhan ng PRC.
Kinumpirma naman ni Go na napag-usapan na nila nina Vaccine Czar Carlito Galvez at Health Secretary Francisco Duque ang mga concerns ng PRC sa pagsasagawa ng nalalapit na board exams sa gitna ng iba-ibang community quarantine restrictions na ipinatutupad sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sinabi ni Go na totoong limitado ang galaw sa bansa dahil sa pandemya pero dapat din aniyang balansehin ang pangangailangan ng bansa lalo na sa mga propesyon ng mga kababayan na maaaring mawalan ng hanapbuhay kung patuloy na maaantala ang operasyon ng PRC.