Procurement at proseso ng pagbabakuna, hiniling ng isang kongresista na gawing desentralisado ng gobyerno

Hinikayat ni Committee on Social Services Chairman at Quezon City Rep. Alfred Vargas ang gobyerno na gawing desentralisado ang pagbili ng COVID-19 vaccine gayundin ang proseso ng pagbabakuna laban sa sakit.

Ayon kay Vargas, suportado niya ang isinusulong na panukala na payagan ang mga lokal na pamahalaan na bumili ng sariling COVID-19 vaccine para sa kanilang mga residente.

Paliwang ng kongresista, sa pamamagitan ng decentralize na procurement at vaccination process ay mas mapapabilis ang pag roll-out sa pagbabakuna lalo pa’t nagpahayag ng kahandaan ang ilang mga Local Government Units (LGUs) na magtatabi sila ng pondo para makabili ng sarili nilang COVID-19 vaccines.


Sa ganitong paraan din aniya ay mabibigyan naman ng pagkakataon ang national government na tumutok sa mga dapat iprayoridad tulad ng pagbabakuna sa mga frontliners at mga pinakamahihirap na komunidad.

Mas mapapadali rin para sa gobyerno ang hakbang na ito dahil mabibigyan ng aktibong papel ang mga LGUs lalo pa’t napakalawak ng vaccination plan ng pamahalaan.

Kabilang sa mga siyudad na naghayag ng kahandaan na bumili at magsagawa ng vaccination program sa kanilang mga constituents ay ang Quezon City, Manila, Davao, at Iligan.

Facebook Comments