Panawagan ngayon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana sa Kongreso na baguhin ang procurement process upang maging mas madali ang bumili ng mga bagong kagamitang militar para sa AFP Modernization Program.
Ginawa ni Sobejana ang panawagan matapos aminin na kulang ang kanilang mga barko para epektibong mabantayan ang Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Sobejana, sa lawak ng kanilang kailangang bantayan sa karagatan ng Pilipinas partikular sa WPS na inaabot ng tatlong buwan ang isang barko para malibot, ay kailangan nilang madagdagan ang kanilang naval assets.
Sa ngayon aniya ay may 10 barko na ang Philippine Navy na naka-deploy sa WPS, at malaking tulong ang karagdagang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at patrol vessels ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group.
Ayon kay Sobejana kulang pa ang sampung barko ng Navy, nais man daw niyang makabili ng mas maraming bagong barko pero napakatagal ng proseso dahil masyadong istrikto ang Republic Act 9184, o ang Government Procurement Reform Act.
Bukod sa panawagang baguhin ang Procurement Law panawagan din ni Sobejana sa mga mambabatas na dagdagan ang pondo para sa AFP Modernization Program.