Pinapabuwag ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Tinukoy ni Rodriguez sa inihaing House Bill 10222 na bunsod ng kinakaharap na mga isyu at kontrobersiya kaya itinutulak niya ang pag-abolish sa mismong procurement arm ng ahensya.
Aniya, ibinabato sa tanggapan ang alegasyon ng hindi tamang proseso at overpriced acquisitions tulad ng P42 billion na inilipat na pondo ng Department of Health (DOH) sa PS-DBM para sa mga biniling face shields, face masks, Personal Protective Equipment (PPE), at iba pang COVID-19 pandemic-related purchases.
Sa ilalim ng panukala ay binibigyang mandato ang mga ahensya ng gobyerno kasama ang mga state-owned o controlled corporations, colleges and universities, at Local Government Units (LGUs) na gawin na ang sariling procurement ng mga supplies pagkatapos na mabuwag ang PS-DBM na nilikha noon pang Marcos era.
Punto pa ni Rodriguez, nagiging redundant at irrelevant o hindi naman mahalaga ang PS-DBM dahil ang pagtiyak sa tapat at tamang proseso ng government procurement ay nakapaloob sa Konstitusyon at sa Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act.
Nakapaloob na rin aniya sa RA 9184 ang probisyon na nagpapalakas sa procurement service ng national government agencies sa pamamagitan ng paglikha ng Government Procurement Policy Board at ng Bids and Awards Committee (BAC) sa bawat tanggapan ng pamahalaan.