Manila, Philippines – Babaklasin na rin ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga product advertisement na ini-endorso ng mga national candidate sa 2019 midterm elections.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez – magde-deploy sila ng mga tauhan para alisin ang mga nasabing illegal campaign poster.
Makakatuwang dito ng COMELEC ang DPWH, MMDA at ang NCRPO.
Sabi ni Jimenez – kahit hindi nakalagay sa poster ang mga salitang “iboto”, “eleksyon” o “halalan”, itinuturing pa rin itong election propaganda.
Kung endorser ng mga produkto, dapat aniya ay alam ng kumpanya na magiging isyu ito dahil mag-e-eleksyon.
Sa ilalim ng COMELEC resolution 10488, maaari lang magkabit ng kanilang campaign materials ang mga kandidato sa mga awtorisadong common poster areas.
Tuloy din aniya ang pagpapadala ng COMELEC ng notice sa mga kandidatong may mga iligal na campaign materials.
Kapag napatunayang liable sa paglabag sa fair elections act, pahaharapin sila sa election offense gaya ng anim na taong pagkakakulong at disqualification sa pagtakbo sa public office.