Iginiit ni Senator Grace Poe sa Department of Agriculture o DA na palakasin at pasiglahin ang produksiyon ng lokal na agrikultura upang matugunan ang kagutumang nararanasan ng maraming Pilipino.
Panawagan ito ni Poe sa DA, makaraang lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na umakyat ang bilang ng mga pamilyang nakaranas ng gutom sa 4.2 milyon nitong Mayo.
Dagdag pa ni Poe, malinaw rin na ipinakita ng mahabang pila sa mga community pantry ang kawalan at kakulangan ng pagkain.
Ikinakabahala rin ni Poe ang patuloy na pagliit ng sektor ng magbubukid sa kabila ng bilyong inilalaan ng DA para sa mga programang pang-agrikultura kada taon.
Tinukoy ni Poe ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umurong ang sektor ng agrikultura ng dalawang magkasunod na kwarter, habang bumaba ng 3.8% ang produksiyon sa ikaapat na bahagi ng 2020 at bumagsak sa 3.3% sa unang yugto ng 2021.
Binanggit din ni Poe na pinatindi ang pagbagsak ng produksiyon sa agrikultura ng kawalan ng trabaho ng maraming mamamayan na ayon sa PSA ay umabot na sa 3.73 milyon nitong Mayo.
Diin ni Poe, mahalaga ang seguridad sa pagkain at kabuhayan sa paglaban sa gutom sa gitna ng pandemya.