Bumaba umano ang produksyon ng bigas para sa taong 2022.
Ito ang iniulat ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban at ibang opisyal sa kanilang yearend report o pag-uulat ng mga nagampanan ng ahensya para sa taong 2022 at ang mga gagawing plano para sa taong 2023.
Ayon kay Usec. Mercedita Asombilla, tinatayang nasa 500 thousand metric tons ang ibinaba ng rice production.
Maliit lang naman umano ang ibinaba nito batay sa itinakdang target para sa taong 2022.
Epekto umano ito ng pagtaas ng presyo ng mga fertilizer dahil sa mga nagdaang bagyong tumama sa bansa.
Dahil dito asahan umano na magkaroon ito ng direktang epekto sa presyo ng bigas hanggang sa July, 2023.
Inihayag naman ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban, maghihinay-hinay muna ito sa pag-i-import ng bigas para sa first quarter ng 2023 dahil papasok na ang anihan.
Sa usapin naman ng suplay ng sibuyas, sinabi ni Asec. James Layug na magiging matatag na ang suplay ng sibuyas sa susunod na taon kaya wala nang pangangailangan sa pag-import nito.