Produksyon ng gamot sa bansa, nais palakasin ni Pangulong Marcos

Target ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapalakas ang local drug manufacturing sa bansa para masiguro ang sapat na suplay ng gamot kapag nakararanas ng anumang emergency.

Sa pulong ng pangulo kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) healthcare sector group sa Malakanyang, sinabi ng pangulo na noong kasagsagan ng lockdown ay nakita at naranasan ang problema sa suplay ng gamot sa bansa.

Ito aniya ang dapat na paghandaan kaya dapat masiguro na mapararami ang produksyon ng local supply ng essential medicines.


Makikipagtulungan ang Department of Health (DOH) at ang Food and Drug Administration (FDA) sa pribadong sektor upang matukoy ang mga gamot na maaaring i-produce locally.

Sa ginanap na pulong ay napagkasunduan din na imo-monitor ng PSAC ang mga bagong teknolohiya sa healthcare na maaaring magamit sa mga geographically isolated at disadvantaged areas.

Pag-aaralan din ng PSAC ang posibilidad na  makapagtayo ng remote diagnostics centers.

Tiniyak din ng PSAC na mas palalakasin ang FDA sa pamamagitan ng digitalization ng information systems (IS) ng ahensya.

Target ng PSAC na sa Agosto ngayong taon ay makumpleto na ang digitalization sa FDA.

Ayon sa advisory council makatutulong ito sa layunin ng pangulo na mapababa ang presyo ng gamot.

Dumalo din sa PSAC meeting sina Sabin Aboitiz Strategic convenor president and CEO Aboitiz Equity Ventures Inc.; Paolo Maximo Borromeo, Healthcare lead president and CEO ng Ayala Healthcare Holdings Inc; Fr. Nicanor Austriaco Jr., Healthcare Sector Member and Filipino-American molecular biologist; Dr. Nicanor Montoya, Healthcare Sector Member and CEO ng Medicard Philippines, Inc.; DOH officer in charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, at CHED chairperson J. Prospero de Vera III.

Facebook Comments