Profiling sa mga empleyado ng POGO na mawawalan ng trabaho, tatapusin ng DOLE sa susunod na buwan

Nagpapatuloy ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ginagawang profiling sa mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na mawawalan ng trabaho.

Ito ay kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tuluyan nang ipagbawal ang POGO sa bansa batay sa kaniyang naging pahayag noong State of the Nation Address (SONA).

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, target nilang matapos ang profiling sa susunod na buwan.


Layon ng profiling na alamin ang trabaho ng mga mangagawang nasa Internet Gaming Licensees, ano ang lebel ng kanilang sweldo at kung ano ang trabahong puwedeng ipagkaloob sa kanila.

Sabi ni Laguesma, tuloy-tuloy ang kanilang pagbisita sa mga kompanya hanggang sa susunod na buwan lalo’t nakalatag na ngayon ang iba’t ibang hakbang na kanilang gagawin sa mga maaapektuhang manggagawa.

Kaugnay nito, nakahanda rin ang DOLE na tulungan ang mga dayuhang manggagawa na maaapektuhan ng pagsasara ng mga POGO basta’t sila ay legal o may mga dokumento para makapagtrabaho sa Pilipinas.

Facebook Comments