Profiling sa mga estudyanteng muslim, pinalagan ng ilang kongresista; Kamara, makikipag-dayalogo sa PNP

Kinondena nila House Deputy Speaker at Basilan Representative Mujiv Hataman at Anak Mindanao Partylist Representative Amihilda Sangcopan ang bagong memorandum ng Philippine National Police (PNP) na humihingi ng updated list ng mga estudyanteng Muslim sa high-school at kolehiyo sa Metro Manila.

Kinwestyon nila Hataman at Sangcopan ang PNP sa profiling ng mga Muslim students na tinawag nilang isang “highest form of discrimination”.

Giit dito ni Hataman, maling-mali ito dahil parang tinokhang ng PNP ang reputasyon ng mga Pilipinong Muslim at masakit para sa kanila na mga law-abiding citizen ang stereotyping na ginagawa sa Muslim bilang mga terorista.


Paalala ni Hataman sa PNP, si Pangulong Duterte ay may dugong Maranao at ikinararangal nito ang pinagmulang lahi.

Tiniyak naman ni Sangcopan ang patuloy na pagsusulong para maisabatas na ang House Bill No. 1579 o An Act Prohibiting Racial, Ethnic and Religious Discrimination na nakabinbin ngayon sa Committee on Human Rights (CHR) upang matigil na ang anumang uri ng diskriminasyon.

Makikipagdayalogo din ang mga mambabatas sa PNP upang irekunsidera ang nasabing memorandum.

Facebook Comments