Kinakalampag ni Senate Committee on Economic Affairs Chairperson Senator Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine National Police (PNP).
Ito ay para i-monitor at kasuhan ang mga consumer na sobra-sobrang bumili ng mga produkto para hindi maubusan ang ibang nangangailangan.
Giit ito ni Marcos sa DTI at PNP kasunod ng impormasyon na may mga pamilihan, supplier ng medical equipment at supermarkets sa NCR Plus at iba pang lugar kung saan nagkakaroon umano ng panic buying at hoarding ang mga taong may kakayahang bumili ng sobrang stocks.
Tinukoy ni Marcos ang ulat na nagkakaubusan na ng oxygen tanks at accessories nito sa Cebu City at Aklan dulot ng biglaang pagsipa ng COVID-19 cases.
Babala ni Marcos, maaaring maharap sa mabigat na parusa ang sinumang hoarders at profiteers sa ilalim ng Consumer Act at Price Act.