Programa at mga desisyon sa DA at DOH, posibleng maantala dahil sa kawalan pa rin ng full-time na kalihim

Nagbabala si Senator Francis Escudero na hindi malabong maantala ang mga programa at desisyon sa Department of Health (DOH) at Department of Agriculture (DA), dahil sa kawalan nito ng full-time na Kalihim.

Hanggang sa ngayon kasi ay pansamantalang tumatayong Secretary ng DA si Pangulong Bongbong Marcos habang Officer-In-Charge naman sa DOH si Usec. Maria Rosario Vergeire.

Sa DA aniya ay hindi naman madaling makakausap ng mga agriculture officials si Pangulong Marcos Jr., lalo’t bukod sa may iba pa itong tungkulin bilang Presidente ay madalas din itong may mission sa abroad.


Samantala, sa DOH ay limitado lamang din ang maaaring gawin ni Vergeire sa ahensya at kadalasan kailangan ang pangulo o executive secretary ang magpapasya.

Kumpyansa si Escudero na kapag may full-fledged na Kalihim, magiging kaunti na lamang ang kailangang aksyon ng Presidente o ng executive secretary sa isang ahensya.

Una nang sinabi ng pangulo, hinihintay niyang maging normal ang sitwasyon ng COVID-19 bago magtalaga ng full-time na Secretary ng DA at DOH.

Facebook Comments