
Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na tututukan na ngayon ng pamahalaan ang bentahan at mga maaaring programa para sa mga e-vehicles.
Ito ang sinabi ng DTI kasunod ng hindi na pagtuloy sa planong Revitalizing the Automotive Industry for Competitiveness Enhancement (RACE) program.
Ayon kay DTI Secretary Cristina Roque, sa halip ay ituon na lamang nila sa pagbibigay ng insentibo ang gagawing programa para sa paggawa ng electric vehicles (EVs) sa bansa.
Aniya, direkta nang ipatutupad ng pamahalaan ang Electric Vehicle Incentive Strategy (EVIS), na papalit sa RACE bilang susunod na hakbang matapos ang Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS) program.
Nabalam din umano ang RACE program dahil sa kakulangan sa pondo.
Ito ay kasunod ng pagtanggal sa panukalang ₱250 milyong pondo nito sa 2026 national budget kasunod ng veto sa ilang unprogrammed appropriations.
Dagdag pa rito ang kawalan ng malinaw na pagkukunan ng pondo, hindi tulad ng CARS program na pinondohan mula sa savings ng pamahalaan.
Sa ngayon na tumataas ang presyo ng petrolyo, lumalakas din ang demand sa EV at patuloy na tumataas ang interes ng mga Pilipino sa electric vehicles.
Sa pinakahuling datos, nasa 18.7 percent ang EV sales noong Pebrero, na isang patunay na lumalaki ang merkado para sa EVs.










