Bubuhayin muli ng Department of Tourism (DOT) ang programa na magbibigay ng insentibo para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at mga Filipino sa abroad na magdadala ng bisita sa bansa.
Sa pagdinig ng 2023 budget ng DOT, inilatag ni Tourism Secretary Christina Frasco ang “Bisita Be My Guest Program” na isang incentive program para sa mga OFW at mga Pilipinong nakatira na sa abroad.
Kabilang sa mga iniaalok na insentibo ay raffle prizes mula sa ahensya, at travel passport na magagamit sa mga partner na malalaking establisyimento para makakuha ng stamps kapalit ay incentives at prizes sa airport bago makabalik sa ‘country of origin’.
Dagdag pa sa ipagkakaloob na pribilehiyo ay discount cards na magagamit para maka-diskwento sa byahe at accommodation.
Ayon kay Senator Nancy Binay, hindi na bago ito dahil nagkaroon na ng kaparehong programa noon na “Balikbayan program” at nag-evolve sa “Bring Home my Friend”.
Iginiit naman ni Frasco na ang kaibahan sa ilalim ng “Bisita Be My Guest Program” ay dinala na ito sa digital age kung saan gamit ang mobile phones ay ma-access na ang mga nabanggit na perks at incentives.
Inirekomenda rin ni Binay na sa ‘pre-departure seminar’ pa lang ng mga paalis na OFW ay ipakilala na ang programa upang ma-i-download na ito ng mga kababayan.
Pinadadagdag naman ni Senator Grace Poe ang paglalagay ng mga larawan ng mga tourist destinations ng bansa sa app o portal nang sa gayon ay madali itong maibibida sa mga kaibigan sa ibang bansa.