Programa para sa mental health ng mga OFWs, isinusulong ng Labor and Migrant Workers Sectoral Council

Maliban sa isyu ng mababang sahod, kawalan ng seguridad sa trabaho at mahabang oras ng trabaho, may iba pang matinding kinakaharap na problema ang mga manggagawa, partikular ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ito ay ang dumaraming kaso ng mental health problem ng mga nasa hanay paggawa.

Ayon sa Labor and Migrant Workers Sectoral Council, delikado ito dahil tahimik lang na inaatake ang mga manggagawa.

Dulot umano ito sa homesickness o ang hirap na mawalay sa pamilya at ang nararanasang exploitation sa pook paggawa.

Ngayong selebrasyon ng Araw ng Paggawa, nanawagan ang Frontline Health Workers Multisectoral Collaboration (FLWMSC) sa pamahalaan na bigyang prayoridad ang paglikha ng mga polisiya at programa na magbibigay sa mga manggagawa, lalo na ang mga nasa ibayong dagat ng malakas na psychosocial support .

Ayon sa grupo, dapat rin na maisama ang kanilang mga pamilya sa mga mental wellness program.

Dagdag ng grupo, sa ganitong pamamaraan, mabibigyan umano ng pagpapahalaga ang mga OFWs na nagpapakahirap at nagbibigay ng kontribusyon sa pagpapalakas ng bansa.

Facebook Comments