Ikinagalak ng Department of Education (DepEd) ang paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Basic Education Mental Health and Well-being Promotion Act.
Ito’y naglalayong mapaigting ang mga mental health program sa mga paaralan at pagbubukas ng mga posisyon para sa mga school counselor.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, makatutulong ang batas na ito na masiguro ang maayos na kaisipang pangkalusugan ng mga bata.
Base sa mandato ng batas na ito ang pagbalangkas ng komprehensibong school-based mental health program sa publiko at pribadong paaralan kasama ang mga out-of-school youth.
Gagawin ding institusyunal ang school-based mental health services kung saan binubuo ito ng screening, evaluation, at monitoring ng mga kalagayan ng mga estudyante kasama rin dito ang mental health, first aid, crisis response, at referral system.
Magtatayo ang DepEd ng mga care center sa bawat paaralan at Mental Health and Well-being Offices sa mga school divisions office.
Kaugnay nito, magbubukas din ng posisyon para sa mga school counselor.
Sa huli, nagpasalamat din ang Kalihim sa Pangulo at sa mga miyembro ng Kongreso sa pagsuporta sa kanilang pagsisikap na unahin ang holistic development ng mga kabataan.