Isinusulong ng Makabayan sa Kamara ang panukala na pagkakaroon ng programa para sa mga incarcerated o nakakulong na magulang at sa kanilang mga anak.
Inihain ang House Bill 8153 ng mga kongresista ng Makabayan ilang araw bago ang paggunita sa ika-70 taon ng International Human Rights Day sa December 10.
Layunin ng panukala na ito na maglatag ng mekanismo at magkaroon ng pasilidad na tutulong sa mga nakakulong na magulang lalo na ang mga ina at solo parents na magabayan at maibigay pa rin ang pangangailangan ng mga anak lalo na sa early at formative years pa lamang ng bata.
Ayon kay ACT-Teachers Rep. France Castro, napapanahon na para tulungan ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na napilitang iwanan ang mga anak dahil sa pagkakakulong.
Dahil dito ay napagkakaitan ang mga anak ng mga PDLs sa kanilang mga pangangailangang pisikal, mental, moral at psychological growth at development.
Inihalimbawa ni Castro ang kaso ng mga political prisoners na sina Reina Mae Nasino at Amanda Echanis na nailayo sa kanilang mga sanggol na nangangailangan pa ng aruga ng isang ina.
Kalaunan ay nasawi ang sanggol ni Nasino na si Baby River matapos magkasakit ng pneumonia habang si Echanis ay pinapapili naman na alagaan sa loob ng detensyon ang anak na si Baby Randall o tuluyang malayo sa anak.