Binuhay muli ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin ang panawagan nitong pagtibayin na agad ng Kongreso ang panukala para sa pagkakaroon ng programa sa mga kabataang magsasaka at mangingisda sa bansa.
Ang hakbang na ito ng kongresista ay kasunod na rin ng pagbaba ng bilang ng mga agriculture graduates sa bansa bunsod na rin ng ideya ng mga kabataan na ang pagsasaka at pangingisda ay nakakapagod, trabahong mahirap at hindi kanais-nais.
Sinabi ng lady solon na nakita naman ngayong COVID-19 pandemic ang napakahalagang papel ng agriculture sector para sa pagtiyak ng food security ng bansa.
Layon ng panukalang Young Farmers and Fisherfolk Challenge Program na maengganyo ang mga incoming college students na kumuha at piliin ang kursong pang-agrikultura.
Umaasa si Garin na sa oras na maisabatas ang panukala ay mapapatatag nito ang papel ng mga nagtapos ng agrikultura bilang catalysts ng economic growth at nation-building.
Sa ilalim ng panukala, lilikhain ang National Agriculture and Fisheries Education System (NAFES) na siyang magiging integrated system ng agriculture at fishery education sa parehong public at private institutions.